Nais ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na matuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Oktubre 25. Ito ay sakabila ng mga mungkahi ng iba’t ibang grupo sa lokal na pamahalaan na ipagpaliban ang halalan.
Sa panayam ng mga mamamahayag sa Malacanang nitong Miyerkules, sinabi ni presidential spokesman Edwin Lacierda, na nais din ni Aquino na pagkatapos ng halalan sa Oktubre 25, ay isasabay na ang susunod na halalang pambarangay at SK sa susunod na halalan sa 2013.
"The preference of the President is for the barangay elections to go through in October. The reason behind this is we'd like to synchronize the elections in 2013," ayon kay Lacierda.
Bukod dito, nais din umano ni Aquino na baguhin ang komposisyon ng SK at gawin isa na lamang ang ihahalal bilang kinatawan ng kabataan halip na walo – isang chair at pitong konsehal.
Sinabi ni Lacierda na inatasan ni Aquino si Interior and Local Government Sec Jesse Robredo na maghanda ng panukalang batas na irerekomenda nilang ipasa ng Kongreso.
Kasama umano sa imumungkahi sa panukala na bawasan ng limang buwan ang magiging termino ng mga mahahalal na mga barangay official sa gaganaping Oct 25 elections para maisabay ang susunod nilang halalan sa mid-term elections sa May 2013.
Ang mga barangay at SK elections ay may tatlong taong termino. Ngunit dahil ilang ulit naipagpaliban ang halalan, nausog ang petya sa kanilang eleksiyon.
Sinabi ng tagapagsalita ni Aquino na ihahain ng kanilang mga kaalyado sa Kongreso ang imumungkahi nitong panukalang batas at sisikapin itong maipasa bago ang barangay at SK elections sa Oct 25.
Kapag naisabay ang barangay at SK elections sa midterm elections 2013, sinabi ni Lacierda na makatitipid ang gobyerno ng P800 milyon.
Ilang mambabatas ang nais na ipagpaliban ang nakatakdang halalan sa Oct 25 upang magamit sa ibang makabuluhang programa ng pamahalaan ang nakalaang P3.2 bilyon pondo para sa eleksiyon.
Una rito, nagpahayag sina Senate President Juan Ponce Enrile at Speaker Feliciano Belmonte na iurong ang halalan ng isang taon.
Para naman kay Vice President Jejomar Binay, mas makabubuting buwagin na umano ang barangay at SK elections dahil dagdag na gastos lang umano sa gobyerno ang proseso. - GMANews.TV
No comments:
Post a Comment